Miyerkules, Hulyo 13, 2022

Absolute na Lokasyon Gamit ang Mapa o Globo

 Absolute na Lokasyon Gamit ang Mapa o Globo



Absolute ang tawag sa pagtukoy ng lokasyon ng isang lugar o bansa gamit ang mapa o globo sa pamamagitan ng mga likhang-isip na nakapaloob sa mapa o globo. Ang mga likhang-isip na pawang nakapalibot sa mapa at globo ay ang ekwador, guhit latitud, guhit longhitud, prime meridian, at International Date Line.


Ekwador


Ang pinakagitnang guhit latitud na pahalang at paikot mula sa kanluran patungong silangan sa globo ay tinatawag na ekwador. Hinahati nito ang globo sa dalawang pantay na bahagi. Ito ang Hilagang Hating-Globo at Timog Hating Globo. Ang ekwador ay tinatawag ding zero latitude o zero parallel dahil ang guhit na ito ay walang bilang. Ito ay nasa zero degree (0°).


Hating-Globo


Pagmasdan ang pagkakahati ng globo sa dalawang pantay na bahagi. Tinatawag itong hating-globo.


Ang mundo ay maaaring hatiin sa apat na hating-globo depende sa mga hangganan nito. Kung ang pagbabatayan ay ang prime meridian o Greenwich Meridian (0°), ang mundo ay nahahati sa Silangang Hating-Globo at Kanlurang Hating-Globo. Matatagpuan ang mga kontinente ng Africa, Asia, Australia, at Europe sa Silangang Hating-Globo at ang North America at South America ay matatagpuan naman sa Kanlurang Hating-Globo.


Kung ang pagbabatayan naman ang pagkakahati ng mundo ang ekwador, ang bahaging patungo sa Hilaga mula sa ekwador ay tinatawag na Polong Hilaga (North Pole) at ang bahagi na patungong Timog mula sa ekwador ay tinatawag na Polong Timog (South Pole).


Ang mga kontinente na matatagpuan sa Hilagang Hating-Globo ay ang Asia, Africa, Europe, at North America. Matatagpuan naman sa Timog Hating Globo ang mga kontinente ng South America, Australia, ilang bahagi ng Africa, at ang kontinente ng Antarctica.


Ang kinalalagyan ng Pilipinas ay bahagyang nasa itaas ng ekwador sa bahaging Hilagang Hating-Globo.


Mga Guhit Latitud


Guhit latitud ang tawag sa guhit na kaagapay ng ekwador. Ang ekwador ay tinatawag ding panggitnang guhit latitud dahil makikita ito sa pinakagitna ng globo at mapa. Nasa zero digri (0°) ang ekwador.


Ang mga guhit latitud ay mahalaga upang matukoy ang layo ng isang lugar mula sa ekwador patungong hilaga o patungong timog. Nadaragdagan ang digri habang lumalayo ang isang lugar mula sa ekwador patungong hilagang bahagi o patungong timog. Nasa 90 digri ang layo mula ekwador hanggang sa dulo ng Polong Hilaga at 90 digri rin ang layo mula ekwador hanggang dulo ng Polong Timog. Kapag ang isang lugar ay nasa hilaga, isinusulat ito nang may (H) at (T) kapag nasa timog.


Guhit Longhitud


Mayroon ding patayong imahinaryong linya na humahati sa globo sa Silangang Hating-Globo at Kanlurang Hating-Globo. Ang linyang ito ay tinatawag na guhit longhitud.


Prime Meridian


Ang pangunahing guhit longhitud ay ang prime meridian. Tinatawag din itong Greenwich Meridian. Ang prime meridian ay nasa zero digri (0°). Katapat ng prime meridian ang International Date Line. Ang kabuuang sukat nito sa magkabilang panig ng globo ay 180 digri.Nasa bahaging kaliwa ng prime meridian ang Kanlurang Hating-Globo at ang Silangang Hating-Globo ay nasa bahaging kanan ng prime meridian.


Matatagpuan ang Pilipinas sa Silangang Hating-Globo kung pagbabatayan ang prime meridian.



Isa pang pangunahing likhang-guhit longhitud ay ang International Date Line. Ang guhit na ito ay katapat ng prime meridian. Kung pagmamasdan ang globo at mapa, ang International Date Line ay hindi tuwid na guhit. Dinaraanan ng guhit na ito ang Bering Strait at Pacific Ocean papuntang Polong Timog at magtatapos sa Antarctica. Dumaraan din ito sa Greenwich, England.


Mahalaga ang International Date Line dahil ito ay batayan ng pagbabago ng oras at araw sa magkabilang panig ng mundo. Nakararanas ng pagbabago ng oras at araw ang mga biyahero o manlalakbay na dumaraan sa International Date Line patungo sa magkabilang panig at maaaring mabawasan ng isang araw o madagdagan ng isang araw. Kapag tumawid sa guhit na ito mula Kanluran patungong Silangan, ang Martes ay nagiging Lunes, nababawasan ito ng isang araw. Kapag bumalik patungong Kanluran mula Silangan, nadaragdagan ito ng isang araw, ang Lunes ay nagiging Martes.


Pagmasdan ang globo o mapa. Ituro ang Kanlurang Hating-Globo at Silangang Hating-Globo. Saan matatagpuan ang Pilipinas kung ang pagbabatayan ay ang guhit longhitud?


Ang mga Grid


Nabubuo ang grid kapag nagtatagpo-tagpo ang guhit latitud at guhit longhitud sa mapa o globo. Mahalaga ito sa paghahanap ng tiyak na lokasyon ng isang lugar gamit ang mapa o globo.


Tingnan ang globo at hanapin ang kinalalagyan ng Pilipinas sa pamamagitan ng grid. Tukuyin ang digri nito sa hilagang latitud at digri sa silangang longhitud.


Gamit ang grid ng globo o mapa, ang Pilipinas ay nasa Hilagang Hating Globo sa Silangang bahagi.


Ito ay nasa pagitan ng 4° (digri) H hanggang 21° (digri) H latitud at 116° (digri) S hanggang 127° (digri) S longhitud.


Walang komento:

KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGKUKUMPUNI

https://drive.google.com/file/d/1ICVKETNdH162VzaAxeBC48q_Y_LYhRCw/view?usp=sharing