Biyernes, Mayo 6, 2022

PAMAHALAANG DIKTATORYAL

"Mahalin mo ang iyong bayan pangalawa sa Diyos at sa iyong karangalan nang higit sa iyong sarili dahil ito lamang ang paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos, ang tanging pamana ng iyong lahi, at ang kinabukasan ng iyong mga anak." Mula sa Tunay na Dekalogo ni Apolinario Mabini


Pamahalaang Diktatoryal


Isang pamahalaang diktatoryal ang itinatag ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 24, 1898. Pansamantalang pangangasiwaan ng Pamahalaang Diktatoryal ang kapuluan habang patuloy ang digmaan.


Nang maitatag ang Pamahalaang Diktatoryal ay napawalang bisa ang Republika ng Biak-na-Bato. Naging batayan ito upang maihanda ni Aguinaldo ang bansa na ipahayag ang kalayaan ng Pilipinas. 


Apolinario Mabini: Ang Utak ng Rebolusyon


Tinaguriang "Utak ng Rebolusyon" si Apolinario Mabini. Kilala rin siya sa tawag na "Dakilang Lumpo."


Naglingkod si Mabini bilang abogado ng mga Pilipino. Nagkasakit siya noong 1896 at tuluyang naging lumpo. Hindi naging hadlang ang kaniyang kapansanan sa pagtulong sa bayan.


Naging kasapi si Mabini sa Kilusang Propaganda bilang isang magiting na propagandista. Tumulong din siya sa mga adhikain ng Katipunan ni Gat. Andres Bonifacio at La Liga Filipina ni Rizal. Ang kaniyang katalinuhan at kaalaman ay ginamit niya upang maging gabay sa pagbuo ng Unang Republika ng Pilipinas. Inilahad niya ang isang mabisang paraan tungo sa pagbuo ng bansa sa kaniyang Sampung Dekalogo.


Nanungkulan siya bilang tagapayo ni Hen. Emilio Aguinaldo. Siya ang nag-udyok kay Aguinaldo upang itatag ang Rebolusyonaryong Pamahalaan. Nakipagtulungan siya kay Aguinaldo upang magkaroon ng kalayaan ang Pilipinas. Dinakip siya at naging bilanggo ng mga Amerikano sa Nueva Ecija noong Disyembre 10, 1894.


Hindi siya nanumpa ng katapatan sa mga Amerikano, dahil dito, ipinatapon siya sa Guam. Habang nasa Guam, sinulat niya ang La Revolucion Filipina. Pagkalipas ng dalawang taon ng pananatili sa Guam ay bumalik siya sa Pilipinas at nanatili sa kaniyang tahanan sa Nagtahan, malapit sa Ilog Pasig.


Ang Pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas


Ang proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay naganap noong Hunyo, 12, 1898 sa balkonahe ng tahanan ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Binasa ni Ambrocio Rianzares Bautista ang Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.


Kasabay nito ang pagtaas at pagwagayway sa watawat ng Pilipinas na tinahi nina Marcela Agoncillo, Delfina Herbosa Natividad na pamangkin ni Rizal, at anak ni Marcela na si Lorenza Agoncillo. Ang watawat ay tinahi sa Hong Kong sa utos ni Aguinaldo. Ang kahulugan ng mga simbolo na makikita sa watawat ay ipinaliwanag ni Buencamino.


Tinugtog din ng Banda San Francisco de Malabon ang Marcha Nacional na nilapatan ng musika ni Julian Felipe.


Inimbitahan ni Aguinaldo si Commodore George Dewey ngunit hindi ito dumating. Hindi kinilala ng mga Amerikano ang pamahalaang itinatag ni Aguinaldo.



Implikasyon ng mga Naunang Pag-aalsa Tungo sa Pagkabuo ng Pilipinas Bilang Isang Bansa


Mahirap matamo ang kalayaan kung walang pagkakaisa ng mga mamamayan. Maraming suliranin ang dapat harapin. Maaaring manggaling sa kalaban o sa loob ng sariling pangkat ang mga suliranin. Kailangang makipaglaban sa mga humahadlang nito upang lubos na matamo ang minimithing kasarinlan.


Nagbunga ng iba't ibang reaksiyon sa mga mamamayang Pilipino ang Kolonyalismong Pamahalaang Español. Ang mapang-api at mapagmalabis na pamamahala ng mga Español sa Pilipinas ay naging susi upang mag-alsa ang mga Pilipino. Nang magkaroon ng kamalayang pambansa ang mga Pilipino ay nabuo ang mga samahan na may iba't ibang pananaw sa buhay at pag-ibig sa tinubuang lupa. Itinuon ng mga makabayang Pilipino ang paghangad ng kalayaan. Lumipas ang mga taon, ang iisang diwa na magkaroon ng kalayaan ay nabahiran ng sariling ambisyon at personal na interes na humantong sa alitan ng dalawang pangkat, ang Magdalo at ang Magdiwang. Ang hindi pagkakaunawaan at pagkakaisa ay naging sanhi pa ng kamatayan ni Andres Bonifacio.


Masasabi natin na may naitulong ang rebolusyon tungo sa pagkabuo ng Pilipinas bilang isang bansa ngunit mayroon din itong mahahalagang aral na dapat balikan sa ating kasaysayan upang magsilbing gabay sa darating na bukas.


Kung hindi naghimagsik ang mga makabayang Pilipino, natamo kaya natin ang kalayaan ng bansa? Ano ang natutuhan natin sa ating nakaraan? Paano mo gagampanan ang sarili mong tungkulin sa sarili, kapwa, bansa, at sa Dakilang Lumikha ng lahat, ang ating Panginoon?


Ang pagpupunyagi ng mga Pilipino na makalaya sa mga mananakop ay hindi pa natapos dahil sa pagdating ng mga Amerikano upang sakupin ang Pilipinas.


Kalinangan 

Gawing aral at gabay ang mga suliranin at hindi magagandang nangyari sa kasaysayan ng bansa tungo sa masagana, pantay-pantay, at maliwanag na bukas ng bansa.



Walang komento:

KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGKUKUMPUNI

https://drive.google.com/file/d/1ICVKETNdH162VzaAxeBC48q_Y_LYhRCw/view?usp=sharing