Ang Sampung Tunay na Dekalogo
ni Apolinario Mabini
1. Mahalin mo ang Diyos at ang iyong karangalan una sa lahat, ang Diyos ang bukal ng katotohanan, lahat ng katarungan at ng kalakasan, karangalan, ang tanging lakas na mag-uutos sa iyo upang maging matapat, makatarungan, at masipag.
2. Sambahin mo ang Diyos sa paraang ayon sa iyong konsiyensiya, dahil sa iyong konsiyensiya kung saan nalalaman mo kung ano ang mabuti at masama, nagsasalita ang Diyos.
3. Pagyamanin mo ang iyong mga natatanging kakayahan na bigay ng Diyos, gumawa ka at mag-aral batay sa iyong kakayahan nang hindi lumilihis sa landas ng kabutihan at katarungan upang maabot mo ang pinakamataas na antas; at sa ganitong paraan magagamit mo ito sa ikauunlad ng sangkatauhan; at maisasagawa mo ang misyon na plano ng Diyos para sa iyo; at sa gayon ay magkaroon ka ng karangalan at maparangalan mo ang Diyos.
4.Mahalin mo ang iyong bayan pangalawa sa Diyos at sa iyong karangalan nang higit sa iyong sarili dahil ito lamang ang paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos; ang tanging pamana ng iyong lahi, at ang kinabukasan ng iyong mga anak.
5. Hangarin mo ang kaligayahan ng iyong bayan bago ang iyong sariling kaligayahan at gawin mo itong kaharian ng kabutihan, katarungan, at ng paggawa dahil kung ito ay maligaya, gayundin ang iyong sarili at ang iyong pamilya.
6.Hangarin mo ang kalayaan ng iyong bayan dahil ikaw lamang ang maaaring magkaroon ng interes sa kaniyang ikabubuti at ikararangal, dahil ang kaniyang kalayaan ay iyong kalayaan, ang kaniyang dignidad ang iyong kaluwalhatian.
7. Huwag mong hayaang pamunuan ang iyong bayan ng sinumang taong hindi pinili ang mga mamamayan dahil ang lahat ng kapangyarihan ay nagmumula sa Diyos at habang ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng konsiyensiya ng bawat mamamayan, ang taong ibinoto ng konsiyensiya ng buong bayan lamang ang maaaring magkaroon ng awtoridad na mamuno.
8. Hangarin mo para sa iyong bayan ang isang republika, hindi ang monarkiya; ang huli ay tumitingala lamang sa isa o ilang pamilya at nagiging dinastiya; ang una ang humuhubog sa mga taong iginagalang at pinagkakatiwalaan, malaya, maunlad, at matalino.
9. Mahalin mo ang iyong kapuwa tulad ng iyong sarili dahil itinalaga ng Diyos na kayo ay magtulungan at hindi gagawa ng bagay na ayaw ninyong mangyari sa isa't isa. Ngunit kung hindi ginagawa ng iyong kapuwa ang kaniyang tungkulin at magtangkang kunin ang iyong buhay, kalayaan, o ari-arian dapat mo siyang sugpuin dahil nangingibabaw ang batas ng pagtatanggol sa sarili.
10. Mahalin mo ang iyong kababayan nang higit sa iyong kapuwa; titingnan mo siya bilang kaibigan, kapatid, at kaagapay sa bawat gawain, sa kaligayahan at kalungkutan at sa parehong pangarap at layunin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento