Ang Kinalalagyan ng Bansang Pilipinas
"Inaalam ko ang kinalalagyan ng aking bansa, upang ipagtanggol ang teritoryong aking
kinagisnan."
Paano mo maituturo sa mapa ang tiyak at relatibong lokasyon ng
Pilipinas?
Ang Katangi-tanging Kinalalagyan ng Pilipinas
May pitong kontinente ang mundo. Ang kontinente ay isang malawak na tipak ng lupain na bumubuo sa mundo. Bahagi ng isang malawak na tipak ng mundo ang Pilipinas. Matatagpuan ito sa kontinente ng Asia. Sa bahagi ng Asia, ito ay matatagpuan sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia).
Ang katangi-tanging kinalalagyan ng Pilipinas ay isang estratehikong lokasyon para sa mga sasakyang panghimpapawid at pandagat. Dahil dito, napili ang Pilipinas na pagtayuan ng base militar ng mga Amerikano tulad ng Subic Naval Base sa Olongapo, Clark Air Base sa Pampanga, Sangley Naval Base sa Cavite, San Fernando Air Base sa Pampanga at Camp John Hay sa Lungsod Baguio. Namalagi ang mga base militar na ito matapos ang kasunduan ng pamamalagi sa bansa sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at United States of America.
Ito rin ang dahilan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng mga dayuhang mangangalakal noon pa man sa panahon ng ating mga ninuno tulad ng mga Arabe, Indian, at Tsino. Naging sentro rin ito ng Kalakalang Galyon sa panahon ng mga Español sa pagitan ng Mexico at Pilipinas. Ito rin ang naging ruta sa panahon ng eksplorasyon at kolonisasyon na naging daan ng pananakop ng mga Español, Amerikano, at Hapones.
Ang Mapa at Globo
Mahalaga ang mapa at globo sa pagtukoy ng kinalalagyan o kinaroroonan ng isang lugar o bansa.
Ang mapa ay patag na representasyon o modelo ng mundo. Ito ay hango sa salitang Latin na mappa na ang ibig ipakahulugan ay napkin. Ipinakikita sa mapa ang palapad na lawak ng mga lupain at alinmang bahagi ng mundo na tulad ng isang nakalatag na papel.
Ang globo ay bilog na modelo ng mundo. May iba't ibang bahagi at natatanging guhit ang globo. May mga pahalang at patayong linya sa globo. Ito ay mga imahinaryong guhit lamang. May katumbas na digri ang bawat linya. Ang digri ay ginagamit na panukat sa layo ng isang lugar sa isa't isa.
Mga Batayang Heograpiya
Maaaring gamitin ang mga batayang heograpiya sa pagsasabing kinalalagyan ng isang lugar o bansa sa pamamagitan ng absolute na lokasyon gamit ang mapa at relatibong lokasyon.
Ang absolute na lokasyon ay magagamit sa pamamagitan ng mga guhit na longhitud at guhit latitud sa mapa o globo. Magagamit naman ang relatibong lokasyon batay sa mga karatig na bansa ng Pilipinas na nakapaligid dito gamit ang pangunahin at pangalawang direksiyon.
Samakatuwid, maaaring sabihin ang mga bansang nakapaligid sa Pilipinas na makikita sa hilaga, timog, silangan, at kanluran ng Pilipinas.