Biyernes, Abril 8, 2022

Ang Simula ng Rebolusyong Pilipino para sa Kalayaan

 




"Mahalin mo ang iyong bayan pangalawa sa Diyos at sa iyong karangalan nang higit sa iyong sarili dahil ito lamang ang paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos, ang tanging pamana ng iyong lahi, at ang kinabukasan ng iyong mga anak."

Mula sa Tunay na Dekalogo ni Apolinario Mabini


Aralin 17

Ang Simula ng Rebolusyong Pilipino para sa Kalayaan



 Paano nakatulong ang pagmamalabis at pagmamalupit ng mga Español sa pag-usbong ng kamalayan at rebolusyong Pilipino laban sa mga Español?


Ang Rebolusyon Noong 1896


Nang punitin ng mga Katipunero ang kanilang mga cedula sa pamumuno ni Gat. Andres Bonifacio at pagpapahayag ng pakikipaglaban sa mga Español ay naging hudyat ito ng rebolusyon sa iba't ibang panig ng Pilipinas laban sa mga Español.


Unang nakipaglaban ang walong lalawigan na kinabibilangan ng:


Nueva Ecija

Tarlac

Cavite

Laguna

Batangas

Pampanga

Bulacan

Maynila 


Ang walong lalawigan na unang naghimagsik sa mga Español ay sinisimbolo ng walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas.


Iniutos ni Gob. Hen. Blanco ang pag-aresto sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo pero pinalitan siya ni Camilo de Polavieja dahil sa kaniyang kabiguan


Si Polavieja ang nagpaaresto at naghatol ng kamatayan kay Rizal noong Disyember 30,1896 sa salang pagtataksil sa bansa.


Pagpatay kay Jose Rizal sa Bagumbayan (Luneta)


Apat na taon ding namalagi si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, Zamboanga del Norte nang siya ay ipinatapon doon ng mga Español. Habang nasa Dapitan si Rizal ay ginugol niya ang kaniyang panahon sa pagtuturo sa kabataan. Ginamot din niya ang mga maysakit at tumulong sa pamayanan. Nakilala niya rito si Josephine Bracken, isang Irish na naging asawa niya.


Nang sumiklab ang digmaan Cuba, nagpresenta si Rizal magboluntaryo bilang doktor militar sa mga sundalong Español nakikipagdigma sa Cuba.



Sinabi ni Jose Rizal kay Pio Valenzuela nang pumunta ito kay Rizal sa Dapitan upang ipaalam ang balak ni Bonifacio na paghihimagsik na gusto niyang matuto ng mga taktikang militar kaya nais niyang maglingkod bilang doktor sa hukbong Español sa Cuba.


Nang makaalis patungong Cuba si Rizal ay pinaghinalaan siya na may kinalaman sa pamumuno ng sedisyon ng mga Pilipino laban sa mga Español. Pinabalik siya sa Maynila. Ikinulong siya sa Kuta ng Santiago (Fort Santiago) at mabilisang nilitis ng hukumang militar.


Si Rizal ay nahatulang barilin sa Bagumbayan (Luneta) noong ika-30 ng Disyembre 1896. Bago pa man barilin si Rizal ay sinulat niya ang "Huling Paalam” sa kaniyang piitan sa Fort Santiago. Umagang-umaga ng Disyembre 30, mula sa kaniyang piitan ay pinalakad si Rizal patungong Bagumbayan habang nakatali sa likod ang dalawang kamay. Pagdating sa Bagumbayan, bago siya barilin ay sinabihan siya na tumalikod sa mga babaril sa kaniya tanda ng kaniyang pagtraydor sa bayan. Nang binaril si Rizal ay bahagya siya humarap sa mga bumaril sa kaniya dahil naniniwala siya na wala siyang kasalanan sa bayan.


Ang pagkamatay ni Rizal ang lalong nagpaalab sa damdamin at galit ng mga Pilipino sa mga Español.


Ang Pagkakahati ng mga Rebolusyonaryo sa Dalawang Pangkat


Nagkaroon ng problema sa pagkakaisa at pamunuan ang mga rebolusyonaryong Pilipino. Nagkaroon ng agawan sa pamumuno sa pagitan nina Emilio Aguinaldo ng grupong Magdalo at Andres Bonifacio ng grupong Magdiwang.


Upang maayos ang problema ay nagtayo sila ng bagong pamahalaan para pamalit sa Katipunan. Ang halalan ay ginanap sa Tejeros Convention noong Marso 22, 1897.


Nahalal si Emilio Aguinaldo bilang Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan at si Bonifacio bilang Direktor ng Interyor.


Subalit pinagdudahan ni Daniel Tirona ang kakayahan ni Andres Bonifacio na ikinagalit nito. Ayon kay Daniel Tirona, hindi nararapat na mapunta kay Andres Bonifacio ang posisyon dahil ang kalihim ng interyor ay nararapat lamang sa isang abogado.


Umalis si Bonifacio sa Tejeros at buo ang pasiyang ipagpapatuloy ng Katipunan ang himagsikan sa kaniyang pamumuno. Hindi siya sumunod sa batas ng bagong Pamahalaang Rebolusyonaryo. Ito ang nagtulak sa kaniyang pagkaaresto at paghatol ng kamatayan matapos ang walang sapat na katibayan sa paglilitis sa salang pagtataksil.


Ang Pagbaril kay Andres Bonifacio


Kasama ni Andres Bonifacio ang kaniyang kapatid na si Procopio nang barilin ng mga tauhan ni Hen. Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal.


Ang kamatayan ni Andres Bonifacio ang dahilan ng kawalan ng gana ng ibang Rebolusyonaryo. Ito ang hinintay ni Gob. Hen. Primo de Rivera na pagkakataon. Dahil dito, madali niyang nasupil ang mga ito.


Tumakas si Aguinaldo sa Batangas at doon tinalo sila ng mga Español. Lumipat sila sa Biak-na-Bato sa Bulacan at nagtayo ng panibagong kampo.


Epekto ng Pagkamatay ni Andres Bonifacio


Nalungkot ang maraming Pilipino sa pagkamatay nina Andres Bonifacio at kapatid nitong si Procopio. Alam ng mga Pilipino ang marubdob na pag-ibig ni Bonifacio sa kaniyang tinubuang lupa kaya buong tapang niyang itinatag ang Katipunan para sa bayan. Kinilala siya bilang pinakadakilang bayani ng Himagsikan ng 1896 dahil sa kaniyang katapangan at pagpupursige na maging malaya ang bansa sa mga mananakop.



Kung ating susuriin ang mga pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa sa Panahon ng Himagsikan 1896, tunay na kabalintunaan ang hatid ng kasaysayan sa mga pangyayaring naganap sa dalawang bayaning naghangad ng kabutihan para sa bayan at kapuwa Pilipino. Si Jose Rizal na ipinaabot ang kaniyang mga hinaing at pagtuligsa sa mga Español sa pamamagitan ng panulat at naniwala sa katapatan ng Spain sa pagkakaloob ng reporma ay namatay sa bala ng mga kawal na Español. Samantalang si Andres Bonifacio na naniwala sa kakayahan ng kapuwa Pilipino na matatamo ang kalayaan ng kaniyang bayan ay namatay sa bala ng kapuwa Pilipino.


Malungkot isipin na magpahanggang ngayon, may mga pangyayari sa ating bansa na kapuwa Pilipino ay nagpapatayan dahil may kaniya-kaniyang ideolohiyang ipinaglalaban. Dapat nating isipin na tayong lahat ay magkakapatid na Pilipino at marapat na magmahalan bilang Pilipino sa iisang bansa, ang ating tinubuang lupa na ipinagtanggol ng ating mga bayani, ang Pilipinas.


Gawing aral at gabay ang mga suliranin at hindi magagandang nangyari sa kasaysayan ng bansa tungo sa masagana, pantay-pantay, at maliwanag na bukas ng bansa.






Walang komento:

KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGKUKUMPUNI

https://drive.google.com/file/d/1ICVKETNdH162VzaAxeBC48q_Y_LYhRCw/view?usp=sharing