Sabado, Abril 16, 2022

Ang Kasunduan sa Biak-na-Bato

 Ang Kasunduan sa Biak-na-Bato


Sinang-ayunan ni Emilio Aguinaldo ang Saligang Batas na inihanda ni Isabelo Artacho at Felix Ferrer. Nabuo ang Republika ng Biak-na-Bato at nahirang na Pangulo si Aguinaldo.


Sa gitna ng rebolusyon, si Pedro Paterno, isang Pilipinong mestizo at mayamang abogado ay hinikayat ni Aguinaldo na makipagnegosasyon sa mga Español upang matigil ang labanan. Ang mapayapang kasunduan na tinawag na Kasunduang Biak-na-Bato ay nilagdaan ni Gob. Hen. Primo de Rivera at Aguinaldo noong Disyembre 15, 1897.


Layunin ng Kasunduang Biak-na-Bato


1.Boluntaryong pagtapon kay Aguinaldo at iba pang rebolusyonaryo sa Hong Kong


2.Pagbayad ng Spain ng Php800,000 sa mga Rebolusyonaryo 3. Pagbayad ng Spain ng Php900,000 sa mga sibilyan na nagdusa sa

himagsikan


4. Pagsuko ni Aguinaldo pati na ang mga armas ng hukbo


Habang nasa Hong Kong ay pinagpatuloy pa rin ni Aguinaldo ang kaniyang layunin. Bumili siya ng dagdag na armas. Nagpatuloy pa rin ang gulo at karahasan at hindi rin binayaran ng mga Español ang mga Pilipino ayon sa kasunduan.


Ang kasunduan ng Biak-na-Bato ay nalabag ng magkabilang panig dahil sa hindi nila pagsunod sa mga napagkasunduan.


Si Aguinaldo at ang kaniyang pangkat ay umalis sa Biak-na-Bato bilang katuparan sa napagkasunduan. Ang halagang Php400,000 na paunang ibinigay ng pamahalaang Español ay dala ni Aguinado nang magtungo sa Hong Kong.


Kulang ang perang ibinigay ng pamahalaang Español na umabot lang sa Php600,000. Marami rin sa mga kawal na Pilipino ang hindi naisuko ang armas. Hindi nahinto ang labanan. Ang perang nakuha ni Aguinaldo ay ibinili ng karagdagang armas para sa mga Pilipino habang nasa Hong Kong.


Tagumpay ng mga Pilipino Laban sa Spain at Pagdating ng Bagong Mananakop na Amerikano


Ang digmaan ng Spain at United States of America sa Cuba noong 1895 ang nagpahina sa mga Español. Lumaya ang mga taga-Cuba sa pananakop ng mga Español dahil sa suporta ng mga Amerikano. Nagpahayag ng pakikidigma ang United States of America sa Spain matapos pasabugin ng Spain ang barkong Maine, isang barkong pandigma ng mga Amerikano habang nakadong sa daungan ng Havana, Cuba. Maraming sundalong Amerikano ang namatay sa pangyayaring ito. Nagpahayag ng pakikidigma ang USA sa Spain noong Abril 24, 1898.


Ipinag-utos ni Theodore Roosevelt kay Commodore George Dewey na bombahin ang mga barkong pandigma ng Spain sa Maynila. Natalo ang mga Español sa labanang ito dahil sa kawalan ng kahandaan at malalakas na armas ng mga Amerikano noong Mayo 1, 1898 sa pamumuno ni Admiral Patricio Montojo.


Naging daan ito upang maging kakampi ng mga Pilipino ang mga Amerikano. Nangako ang mga Amerikano na tutulong upang mapalaya ang mga Pilipino sa kamay ng mga Español. Tiniyak ni Spencer Pratt (isang Amerikanong konsul ng Singapore) na hindi nila hangad na sakupin ang Pilipinas.


Kinumbinse ni Commodore George Dewey si Hen. Emilio Aguinaldo na bumalik sa Pilipinas at kalabanin ang mga Español. Nagtiwala si Aguinaldo sa mga sinabi ni George Dewey kaya bumalik siya sa Pilipinas mula sa Hong Kong dala ang mga biniling armas lulan ng barkong McCullough.


Ngunit lingid sa kaalaman ni Aguinaldo, noon pa man ay ipinag-utos na ni William McKinley (pangulo ng USA) ang pagsakop sa Pilipinas.


Sa magkasamang puwersa ng mga Amerikano at Pilipno ay natalo nila ang mga Español.


powerpoint ----- Download here

https://docs.google.com/presentation/d/1GaM31zzuFlHL6a5T_9mfiktXfEWGduDl/edit?usp=sharing&ouid=102296229884310232324&rtpof=true&sd=true





Biyernes, Abril 8, 2022

Ang Simula ng Rebolusyong Pilipino para sa Kalayaan

 




"Mahalin mo ang iyong bayan pangalawa sa Diyos at sa iyong karangalan nang higit sa iyong sarili dahil ito lamang ang paraisong ibinigay sa iyo ng Diyos, ang tanging pamana ng iyong lahi, at ang kinabukasan ng iyong mga anak."

Mula sa Tunay na Dekalogo ni Apolinario Mabini


Aralin 17

Ang Simula ng Rebolusyong Pilipino para sa Kalayaan



 Paano nakatulong ang pagmamalabis at pagmamalupit ng mga Español sa pag-usbong ng kamalayan at rebolusyong Pilipino laban sa mga Español?


Ang Rebolusyon Noong 1896


Nang punitin ng mga Katipunero ang kanilang mga cedula sa pamumuno ni Gat. Andres Bonifacio at pagpapahayag ng pakikipaglaban sa mga Español ay naging hudyat ito ng rebolusyon sa iba't ibang panig ng Pilipinas laban sa mga Español.


Unang nakipaglaban ang walong lalawigan na kinabibilangan ng:


Nueva Ecija

Tarlac

Cavite

Laguna

Batangas

Pampanga

Bulacan

Maynila 


Ang walong lalawigan na unang naghimagsik sa mga Español ay sinisimbolo ng walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas.


Iniutos ni Gob. Hen. Blanco ang pag-aresto sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo pero pinalitan siya ni Camilo de Polavieja dahil sa kaniyang kabiguan


Si Polavieja ang nagpaaresto at naghatol ng kamatayan kay Rizal noong Disyember 30,1896 sa salang pagtataksil sa bansa.


Pagpatay kay Jose Rizal sa Bagumbayan (Luneta)


Apat na taon ding namalagi si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, Zamboanga del Norte nang siya ay ipinatapon doon ng mga Español. Habang nasa Dapitan si Rizal ay ginugol niya ang kaniyang panahon sa pagtuturo sa kabataan. Ginamot din niya ang mga maysakit at tumulong sa pamayanan. Nakilala niya rito si Josephine Bracken, isang Irish na naging asawa niya.


Nang sumiklab ang digmaan Cuba, nagpresenta si Rizal magboluntaryo bilang doktor militar sa mga sundalong Español nakikipagdigma sa Cuba.



Sinabi ni Jose Rizal kay Pio Valenzuela nang pumunta ito kay Rizal sa Dapitan upang ipaalam ang balak ni Bonifacio na paghihimagsik na gusto niyang matuto ng mga taktikang militar kaya nais niyang maglingkod bilang doktor sa hukbong Español sa Cuba.


Nang makaalis patungong Cuba si Rizal ay pinaghinalaan siya na may kinalaman sa pamumuno ng sedisyon ng mga Pilipino laban sa mga Español. Pinabalik siya sa Maynila. Ikinulong siya sa Kuta ng Santiago (Fort Santiago) at mabilisang nilitis ng hukumang militar.


Si Rizal ay nahatulang barilin sa Bagumbayan (Luneta) noong ika-30 ng Disyembre 1896. Bago pa man barilin si Rizal ay sinulat niya ang "Huling Paalam” sa kaniyang piitan sa Fort Santiago. Umagang-umaga ng Disyembre 30, mula sa kaniyang piitan ay pinalakad si Rizal patungong Bagumbayan habang nakatali sa likod ang dalawang kamay. Pagdating sa Bagumbayan, bago siya barilin ay sinabihan siya na tumalikod sa mga babaril sa kaniya tanda ng kaniyang pagtraydor sa bayan. Nang binaril si Rizal ay bahagya siya humarap sa mga bumaril sa kaniya dahil naniniwala siya na wala siyang kasalanan sa bayan.


Ang pagkamatay ni Rizal ang lalong nagpaalab sa damdamin at galit ng mga Pilipino sa mga Español.


Ang Pagkakahati ng mga Rebolusyonaryo sa Dalawang Pangkat


Nagkaroon ng problema sa pagkakaisa at pamunuan ang mga rebolusyonaryong Pilipino. Nagkaroon ng agawan sa pamumuno sa pagitan nina Emilio Aguinaldo ng grupong Magdalo at Andres Bonifacio ng grupong Magdiwang.


Upang maayos ang problema ay nagtayo sila ng bagong pamahalaan para pamalit sa Katipunan. Ang halalan ay ginanap sa Tejeros Convention noong Marso 22, 1897.


Nahalal si Emilio Aguinaldo bilang Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan at si Bonifacio bilang Direktor ng Interyor.


Subalit pinagdudahan ni Daniel Tirona ang kakayahan ni Andres Bonifacio na ikinagalit nito. Ayon kay Daniel Tirona, hindi nararapat na mapunta kay Andres Bonifacio ang posisyon dahil ang kalihim ng interyor ay nararapat lamang sa isang abogado.


Umalis si Bonifacio sa Tejeros at buo ang pasiyang ipagpapatuloy ng Katipunan ang himagsikan sa kaniyang pamumuno. Hindi siya sumunod sa batas ng bagong Pamahalaang Rebolusyonaryo. Ito ang nagtulak sa kaniyang pagkaaresto at paghatol ng kamatayan matapos ang walang sapat na katibayan sa paglilitis sa salang pagtataksil.


Ang Pagbaril kay Andres Bonifacio


Kasama ni Andres Bonifacio ang kaniyang kapatid na si Procopio nang barilin ng mga tauhan ni Hen. Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal.


Ang kamatayan ni Andres Bonifacio ang dahilan ng kawalan ng gana ng ibang Rebolusyonaryo. Ito ang hinintay ni Gob. Hen. Primo de Rivera na pagkakataon. Dahil dito, madali niyang nasupil ang mga ito.


Tumakas si Aguinaldo sa Batangas at doon tinalo sila ng mga Español. Lumipat sila sa Biak-na-Bato sa Bulacan at nagtayo ng panibagong kampo.


Epekto ng Pagkamatay ni Andres Bonifacio


Nalungkot ang maraming Pilipino sa pagkamatay nina Andres Bonifacio at kapatid nitong si Procopio. Alam ng mga Pilipino ang marubdob na pag-ibig ni Bonifacio sa kaniyang tinubuang lupa kaya buong tapang niyang itinatag ang Katipunan para sa bayan. Kinilala siya bilang pinakadakilang bayani ng Himagsikan ng 1896 dahil sa kaniyang katapangan at pagpupursige na maging malaya ang bansa sa mga mananakop.



Kung ating susuriin ang mga pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa sa Panahon ng Himagsikan 1896, tunay na kabalintunaan ang hatid ng kasaysayan sa mga pangyayaring naganap sa dalawang bayaning naghangad ng kabutihan para sa bayan at kapuwa Pilipino. Si Jose Rizal na ipinaabot ang kaniyang mga hinaing at pagtuligsa sa mga Español sa pamamagitan ng panulat at naniwala sa katapatan ng Spain sa pagkakaloob ng reporma ay namatay sa bala ng mga kawal na Español. Samantalang si Andres Bonifacio na naniwala sa kakayahan ng kapuwa Pilipino na matatamo ang kalayaan ng kaniyang bayan ay namatay sa bala ng kapuwa Pilipino.


Malungkot isipin na magpahanggang ngayon, may mga pangyayari sa ating bansa na kapuwa Pilipino ay nagpapatayan dahil may kaniya-kaniyang ideolohiyang ipinaglalaban. Dapat nating isipin na tayong lahat ay magkakapatid na Pilipino at marapat na magmahalan bilang Pilipino sa iisang bansa, ang ating tinubuang lupa na ipinagtanggol ng ating mga bayani, ang Pilipinas.


Gawing aral at gabay ang mga suliranin at hindi magagandang nangyari sa kasaysayan ng bansa tungo sa masagana, pantay-pantay, at maliwanag na bukas ng bansa.






Martes, Abril 5, 2022

Pagkatuklas ng Katipunan

 Pagkatuklas ng Katipunan


Pagkalipas ng apat na taon ay nalaman ng mga Español ang Katipunan dahil sa di pagkakaunawaan ng dalawang miyembro. Nagkasagutan sina Apolinario de la Cruz at Teodoro Patiño habang nililimbag ang Kalayaan sa Diario de Manila. Upang makaganti ay naikuwento ni Patiño ang buong katotohanan tungkol sa Katipunan sa kaniyang kapatid na babae na si Honoria na siya namang humingi ng payo sa isang madre. Dahil dito, dininig ni Teodoro Patiño ang payo ng madre na ikumpisal sa prayle ang kaniyang nalalaman. 


Ang Sigaw sa Pugad Lawin


Nalaman agad ni Andres Bonifacio ang nagyari at tinipon agad niya ang mga kasapi ng Katipunan sa Pugad Lawin, ngayon ay Balintawak. Pinunit nila ang kanilang mga cedula, simbolo ng kanilang paghihimagsik. Nangyari ito noong Agosto 23, 1896 at tinawag itong Sigaw sa Pugad Lawin.


Sa pagpunit ng cedula ay napagkasunduan ng mga kasapi ng Katipunan na lumaban sa mga Español. Habang pinupunit ang mga cedula ay sabay-sabay nilang isinigaw ang "Mabuhay ang Pilipinas." Hudyat ito ng rebolusyong Pilipino laban sa mga Español.


Ang Pagtutol ni Rizal sa Madugong Rebolusyon


Pinadala ni Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan, Zamboanga upang ipaalam kay Jose Rizal ang plano ng Katipunan. Sinabihan ni Rizal si Valenzuela na sabihin kay Bonifacio ang kaniyang panig na huwag mag-alsa dahil kulang ang kanilang armas.


Ipinabatid ni Dr. Pio Valenzuela kay Andres Bonifacio ang payo ni Rizal ngunit hindi ito pinakinggan ni Bonifacio.





Linggo, Abril 3, 2022

BAKIT NGAYON KO LANG NAREALIZED !!!

 BAKIT NGAYON KO LANG NA REALIZED !!!


Habang Tumatanda ka din ba feeling mo palungkot ng palungkot ang buhay mo? 
yung feeling mo, parang palayo ng palayo ung mga pangarap mo sayo ?
yung feeling mo na may kulang sa buhay mo ? 
may trabaho ka naman pero feeling mo hindi ka makontento sa buhay mo ? 
lagi mong nakikita ung mga bagay na nais mo sa ibang tao ? 

Maraming beses din akong nilalamon ng kalungkutan, habang nagkakaedad ako, i realized na nasayang ko ung oras ko sa mga bagay na hindi ko naman talaga kailangan. 

Maraming beses din akong nagsisi dahil inuna ko ung mga bagay na panandalian lang ang ligaya o saya na kayang ibigay sa akin. Dumaan din ako sa stress at anxiety dahil sa maling desisyon ko sa buhay, sa mga bagay na pinili kong makinig sa sasabihin ng iba o sumunod sa kagustuhan ng iba. 


MAY LIMANG PARAN PAANO MAGING MASAYA 

1 SELF-CARE AND SELF LOVE 

nakita ko ung sarili kong subsob sa trabaho at obligasyon sa buhay dahil dito nakalimutan kong alagaan ang sarili ko para lang maibigay ang mga gusto ng ibang tao para maging msaya sila , hndi masama minsan unahin natin ang kagustuhan natin sabi nga nila "DESERVE KO TO" bili ka ng bagay na kahit paano magpapasaya sayo or magpapagaan ng pakiramdam mo. kapag natutuhan natin na pahalagaan ung sarili natin duon mo mas matutuhan ung WORTH at PURPOSE  mo sa buhay. Meaning you cant give a perfect love and care sa ibang tao kung hindi mo pinahahalagan ang sarili mo. 

kung may extrang pera TREAT YOURSELF FIRST. or maglaan ng small amount ng pera every time ng sahod mo, wag maging madamot sa sarili para nakikita mo din ung pinaghihirapan mo. Kasama na din sa Self-care and love ang tumawa maari kang manood sa NETFLIX, YOUTUBE o tiktok. Go out and find your happiness sabi nila go out from your comfort zone.   

2.  HAVE FUN WITH YOUR FAMILY AND REAL FRIENDS

    Madalas nakakalimutan na natin magkaroon ng quality time sa family, laging tandaan na ang pamilya mo lang ang laging sasalo o tutulong sayo sa panahon na down na down ka lalo na ang ating mga magulang. Enjoy every moment with your family, tandaan habang nagkakaedad tayo, TUMATANDA din sila. Mas maganda pa din na magbuild ng maayos na pakikipagkapwa tao lalo na sayong mga magulang. Ang kanilang Advice pa din ang pinaka.daBEST na advice dahil na din sa mga pinagdaanan nila.

    Sa mga kaibigan naman, maaring marami kang maging kaibigan sa personal man, kawork or socal media, pero tandaan mo ung mga kaibigan mo na may magandang impluwensya sa buhay mo, hindi ung hahatakin ka pababa, mga kaibigan mo na alam mo sa sarili mo na may pangarap din tulad mo, hindi ung kaibigan mo na sa masayang moment lang nandyan pero kapag walang wala ka, wala na din sila. Piliin mo ung kaibigan na gustong sabay kayong uunlad at hindi ka hahatakin pababa. maswerte ka kung may  kaibigan ka na kapatid na ang turing sayo, kaya kaibigan pahalagahan mo sila.
 
3. FOCUS ON YOUR GOAL
        Isang milyong beses ka man mareject at magkamali, isang  daang libo beses ka man na pagtawan, o isang daang beses ka nilang  hatakin  pababa, humaan ka ng isang paraan paano ka makaaangat sa buhay mo, Sa buhay natin mga Filipino talagang hindi maiiwasan ang makumpara tayo sa ibang mga ka Edad natin, maraming hindi maniniwala sayo, magdududa sa kakayahan mo, magsisimula ka pa lang, may masasabi na sila sayo, But don't forget, this ANG MGA SUMUSUKO AY HINDI NAGTATAGUMPAY, ANG MGA NAGTATAGUMPAY AY HINDI SUMUSUKO.! Ang problema sa buhay ay parang BAGYO dumaraan sa ating buhay pero tandaan mo, Ang problema daraan lang sa ating buhay, lilipas din yan kaya wag mo ng TAMBAYAN. 

    Di ba mas masarap damhin ang tagumpay kapag pinaghihirapan, kaya kung nahihirapan ka ngayon for sure malapit ka na sa iyong TAGUMPAY, cheers !!! wag mo kong kalimutan :) Maaring kang magpahinga pero wag kang BIBITIW at SUMUKO. Kung napapagod ka na kakaisipin kung paano tayo makakamit ang ating GOAL sa buhay, Isipin mong muli kung bakit ka nagsimulang mangarap sa buhay, kung bakit ka nagsisikap, kung bakit dapat kang magtagumpay. Mas mabuti ng sinubukan mong muli, kaysa pang habang buhay mong pagsisihan, Wala ng SANA ALL !!! basta isang hakbang patungkong tagumpay kahit isang hakbang sa kada isang araw, atleast you try!!!

    kung hindi mo sisimulan ngayon ang iyong pangarap, kailan pa kapag matanda ka na? kapag marami ka ng obligasyon sa buhay, laging time ang dahilan or excuses ng tao, wala pa kong time, baka pagdumating ung TIME NA READY ka na wala ng yung magandang OPPORTUNITY PARA SAYO.. kaya kaibigan mag isip-isip ka na kung BIBITAW KA NA BA ?  HINDI KA PA BA MAGSISIMULA ? O TATANGGAPIN MO NA LANG NA HANGGANG GANYAN LANG ANG BUHAY MO ?

4. HEALTHY MIND AND HEALTHY BODY. 

    Sa henerasyon ngayon uso ang internet, bagong cellphone at addik sa Social media, napansin mo ba na ang tagal mong nakatutok sa iyong cellphone,tablet or laptop? pero may napala ka po ba? lagi kang nakakakita ng masasarap na food sa tiktok at fb, nagbibigay hudyat na kainin mo din ito, FAST FOOD  IS REAL, mukhang masarap kinain ni IDOL, Pag may VLOG ang IDOL about gadget, I WANT THAT TOO !!!!  ito ung mga dahilan kung bakit tayo payat at puyat, Oo kasama ako happy ka na ?  kain sa FAST FOOD, puyat sa social media at kdrama . nakalimutan na din ata mag VITAMINS at matulog ng atleast 8 hrs a day not a week :D 

    Sa madaling salita, pahalagaan mo din ang iyong kalusugan, excercise ka, simulan mo ng 3x a week, after 3 months, every day ka na mag excercise. kahit basic excercise lang para hindi agad pumanaw joke !!! Para mag.circulate ung dugo mo ng maayos at makapag isip isp ng maayos,  tungkol sa healthy mind wala pa din tatalo kapag nagbabasa ng LIBRO about selfcare, motivation, financial literacy, spiritual book, magazine or anything na makakapag improve about your personality and MENTAL HEALTH.  SELF-IMPROVEMENT Huh, hindi pocket book na puro love story or kung ano mang tema, GROW UP and GLOW UP  but dont GROW OLD. 


5. TRUST THE PROCESS AND RESPECT YOUR TIMELINE
        
yung pakiramdam mo na ginawa mo naman lahat pero parang kulang at parang kasalanan mo pa din ? yan drama na nanaman nasa isip mo, Wag mo hintayin ung magandang opportunity, kundi maghanap ka ng magandang opportunity, kung wala kang mahanap, GUMAWA KA NG MAGANDANG OPPORTUNITY para sayo,  kung naghanap o gumawa ka ng opportuniy para sayo, ginawa mo an lahat, 6 months na wala pa din pagbabago sa buhay , try mo ulit maghanap at gumawa ng opporunity may natitira pang 6 months sa isang taon, kung itong 2022 na to, hindi mo na achieve ung goal mo try mo next year, kung umaabot na ng 2025 (after 3 yrs) na wala pa din, wag kang mag alala may next year pa.  

Yan ung sinasabing trust the process, dahil may kanya kanya taong TIMELINE, Trust and Respect the process, kung sila na achieve nila ung goal nila, baka may kulang pa sayo, or may dapat ka pang matutunan, ang importante, natututo ka sa bawat wrong decision na pinili mo, IMPROVE your self lang kapatid, kasi naniniwala ako na darating ang araw kung talaga pursigido ka, makakamit mo yang pangarap mo. 

kung may tiwala ka sa sarili mo kahit na gaano karami ang hindi naniniwala sayo at ilang bagyo ang dumaan sa buhay mo kung talaga magsisikap at kikilos ka may mararating ka kaibigan. 


dahil nakarating ka sa part na to, may bonus pa kong isang TIPS na napakahalaga at importante 

6. TALK TO GOD, Let him Lead and redirect you !!!

Ang bilis ng oras at panahon, maraming pabago bago, maraming nauuso. maraming sumisikat at nag viviral pero nakalimutan ata ng tao kung bakit tao nasa mundo ngayon. 
Kaibigan maniwala ka man o sa hindi. Ipagkakatiwa sa iyo yan ng panginoon kung talagang nakikita nyang nagsisikap ka, hindi ka man nagsasabi alam na ni Lord ung gusto ng puso't isip mo, Talk to God and let him lead you, hindi ka nya hahayaang pagtawanan ng ibang tao, maliitin ng ibang tao dahil nag kamali, he wants you to redirect to the right path. maaring dumaan ka sa maybagyo ng buhay mo para maging ready ka sa matamis mong tagumpay.

 
 

Biyernes, Abril 1, 2022

Mga Aral ng Katipunan sa Kartilya ni Emilio Jacinto



 Mga Aral ng Katipunan


Ang layunin ng samahan ay ipaglaban ang kalayaan sa anumang paraan. Hinikayat ni Andres Bonifacio ang malawakang pangangalap ng mga kasapi sa pamamagitan ng paglalathala sa Kalayaan. Si Emilio Jacinto ang nagsilbing patnugot ng Kalayaan. Siya ang kanang kamay ni Andres Bonifacio at tinaguriang "Utak ng Katipunan."


Ang Kartilya o mga Alituntunin ng Katipunan ni Jacinto ang naging kontribusyon niya sa samahan kaya siya ay hinirang na dakilang manunulat: ng Katipunan. Si Apolinario Mabini ang "Dakilang Lumpo" naman ang naging "Utak ng Rebolusyon."


Ang Kartilya ng Katipunan ay binubuo ng 13 alituntunin o mga aral na susundin ng bawat Katipunero sa Katipunan. Binuo ni Emilio Jacinto ang Kartilya upang malaman ng mga Katipunero ang dapat nilang gawin bilang kasapi ng samahan. Ito'y dapat nilang sundin.


Mga Aral ng Katipunan sa Kartilya

ni Emilio Jacinto


I. Ang buhay na hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadakilaan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.


II. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita o paghahambing sa sarili, at hindi sa talagang nasa gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.


III. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapuwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran.


IV. Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit hindi mahihigitan sa pagkatao.


V. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri o dangal sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.


VI. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.


VII. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit ang panahong nagdaan na'y di na muli pang magdadaan.


VIII. Ipagtanggol mo ang inaapi, at kabakahin ang umaapi.


IX. Ang taong matalino ay may pag-iingat sa bawat sasabihin, matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.


X. Ang daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa't mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.


XI. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay ng lalaki sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan ng iri sa iyong kasanggulan.


XII. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.


XIII. Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Panginoon, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal ng tao, kahit laking gubat at walang nakababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di naaapi't nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.


Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang sangkalupaan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahati't magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan.





KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGKUKUMPUNI

https://drive.google.com/file/d/1ICVKETNdH162VzaAxeBC48q_Y_LYhRCw/view?usp=sharing